Home OPINION SAKRIPISYO NG PNP TUWING TRASLACION

SAKRIPISYO NG PNP TUWING TRASLACION

259
0

HINDI lang pawis at pagod ang puhunan ng Philippine National Police sa taunang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno—kundi pati oras sa pamilya, sariling kaligtasan, at minsan ay mismong buhay ito ay sa gitna ng siksikan, init ng araw, at bugso ng milyon-milyong deboto, tahimik na nakatayo ang mga pulis, walang reklamo, walang palakpakan, pero laging handa.

Kahapon, habang ang mga deboto ay naglalakad bilang panata, ang PNP sa pangunguna ni PNP Acting Chief LtGen Jose Melencio Nartatez Jr, ay tumutupad sa kanilang tungkulin. Bago pa man sumikat ang araw, nakapwesto na sila—gutóm, puyat, at pagod habang ang iba ay naghahanda ng panalangin, sila naman ay naghahanda ng sarili para sa anomang kaganapan. Sa bawat tulak ng tao, sa bawat biglang himatay, sa bawat batang nawawala sa magulang, nariyan ang pulis na walang sawang umaalalay, nagbubuhat at nagbabantay.

Ang district director ng Manila Police District na si PBGen Arnold Abad ay batid na hindi madali ang pagbabantay sa Traslacion. Kaya naman nakaalalay itong DD ng Maynila sa kanyang mga tauhan sa buong maghapon at magdamag sapagkat tiyak niya na sa isang maling hakbang, isang iglap ng kapabayaan, maaaring humantong sa trahedya.

Pero ang katulad nina Nartatez at Abad kasama ng kanilang mga pulis sa halip na umatras, pinipili ang tuparin ang tungkulin. Ang kanilang katawan ang nagiging harang sa gitna ng alon ng debosyon at hindi upang pigilan ang pananampalataya, kundi upang tiyakin na ligtas itong maisabuhay.

Sa likod ng uniporme ay may mga pulis na may sariling panata rin, panatang maglingkod at mag-alay hindi lang ng dalangin subalit maging ng serbisyo. Habang ang iba ay nakakapit sa lubid ng andas, ang PNP ay nakakapit sa disiplina at sakripisyo. Walang kandila sa kanilang kamay, pero ang liwanag ng serbisyo ang kanilang tangan.

Nakalulungkot lamang na madalas, ang sakripisyong ito ay napapansin lamang kapag may aberya. Kapag maayos ang daloy, tahimik ang papuri. Ngunit kapag may pagkukulang, mabilis ang batikos. Hindi patas. Ang Traslacion ay nagiging matagumpay hindi lamang dahil sa pananampalataya ng deboto, kundi dahil sa pagbabantay ng mga taong piniling isantabi ang sarili para sa kapakanan ng nakararami.

Sa gitna ng debosyon, may isa pang anyo ng sakripisyo na tahimik, disiplinado, at walang hinihinging kapalit. Ito ang sakripisyo ng PNP sa Traslacion na bagaman hindi nakikita ngunit lubos na nararamdaman.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here