
WALANG malinaw na sagot, walang malinaw na paliwanag pero tinawag na “fake news”. Tama ba ‘yun?
Ito ay ang tungkol sa Bicameral Conference Committee report na may mga pahinang naiwang blangko.
Sinabihan pang sinungaling si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil siya ang nagsiwalat ng isyu, batay sa mga puna ni Davao 3rd District Representative Isidro Ungab sa Bicam report.
Mabilis ang reaksyon nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Executive Secretary Lucas Bersamin at ng Budget Department sa pagsasabing kasinungalingan at fake news ang isinIwalat subalit wala silang maayos na paliwanag kaya maraming nagdududa.
Ang Bicam report, para sa kaalaman ng nakararami, ay bumubuo sa pinal na pinagkasundong magkahiwalay na bersyon ng mga kinatawan ng Senado at Kongreso.
Ngunit mabilis pa sa alas-kuwarto sina Marcos, Bersamin at ang DBM sa pagdedepensang walang blangko sa 2025 General Appropriations Act.
Aba’y teka, hindi naman sinasabi na ang 2025 GAA ang may blangko. Ito ay ang nilagdaang Bicam report.
Lihis at malayo sa isyu. Isang pagtatakip sa katotohanan.
Hindi porke itinatanggi ni PBBM ay dapat nang isantabi ang isyu? Marami silang kailangang ipaliwanag sa gitna na ang publiko ay nagugulumihanan.
Bakit hindi ang mga miyembro ng Bicam ang maglinaw? Bakit sina PBBM at Bersamin na nagmistula tuloy spokesman at abogado ng Bicam?
Sabi nga ng ilang analyst, ang mahusay na paraan upang pabulaanan ang isiniwalat ni Ungab ay ipakita ang nakalimbag na bersyon ng nakatalang panukalang batas na ipinadala sa Office of the Presidente at ikumpara sa niratipikahang Bicam report.
Dapat ay sumasalamin ito sa mga nasa GAA. Gaya nga sinabi ni dating Pangulong Digong, labag sa batas na iwanang bukas ang mga item sa badyet para sa pagkumpleto sa ibang pagkakataon. Mananagot sa batas ang mga nasa likod nito.
Sabi nga, ang GAA para sa 2025, ang itinuturing na pinakamaruming o pinakakorap na badyet sa kasaysayan ng Pilipinas. At dahil nga sa kaduda-dudang Bicam report ay lalo pa itong nabahiran.
Papayag ba tayong tawagin na lang fake news ang naisiwalat na ito nang hindi naiimbestigahan?
At sino’ng mag-iimbestiga, sila-sila ring mga mambabatas na pumayag na ito ay palusutin para sa pinaplanong “mekus-mekus” at salamangka ng mga nasa awtoridad?
Nagpapahiwatig ba ang mga blangko sa Bicam report na iwan ang pagpapasya kay PBBM? Nagpapahiwatig din ba ito ng mga pagmadyik o manipulasyon sa badyet? Dyuskopo!