
NASA 2,000 miyembro ng Philippine National Police ang sinibak sa pwesto simula noong Enero 2022 hanggang sa katapusan ng 2024 habang libo-libo pa ang pinarusahan ng suspensyon, demosyon at iba pa.
Depende sa ulat, 903 ang sinibak nitong buong 2024 at 935 naman ang sinibak noong Enero 2022 hanggang Agosto 2023.
Maaaring nasa 2,000 silang nasibak dahil may nasibak pa noong Setyembre hanggang Disyembre 2023.
Sa mga nasibak noong 2024, kasama ang limang lieutenant colonel, anim na major, 12 na captain and limang lieutenant.
Ayon kay PNP chief General Rommel Marbil, sinuspinde rin ang 1,112 kasama ang isang colonel, 19 lieutenant colonel, 29 major, 30 captain and 22 lieutenant.
Sa kabuuang 5,457 kinasuhan ng administratibo, 2,765 ang pinarusahan habang 2,691 ang pinawalang-sala.
Hindi kasama sa mga may kaso sa itaas ang nasa 20 pulis na inakusahang sangkot sa halos isang bilyong shabu noong 2022 sa Maynila na kinasasangkutan ng 2 heneral, ilang kernel at iba pang opisyal.
Noong Enero 2022 hanggang Agosto 2023 na panahon pa ni dating PNP chief Benjamin Acorda, 4,042 ang pinarusahan at kabilang nga rito ang sinibak na 935, sinuspinde na 1,850 at dinemot na 242 opisyal.
Sa panahon nina Marbil at Acorda, iba pa ang mga pinarusahan ng magagaan dahil sa maliliit na pagkakasala at may mga tinanggalan ng mga pribilehiyo.
Bagama’t natutuwa tayo sa ulat, kakabsat, nakabibitin o nakadududa rin dahil hindi inilabas ng dalawang ulat ang mga uri ng paglabag sa batas at pagkakilanlan sa mga nagkasala.
Isa pa, kung totoong umabot ng 2,000 ang nasibak at libo-libong iba pa ang may parusang iba gaya ng suspensyon, demosyon at iba pa, hindi biro-biro ‘yan dahil nakalilikha ito ng malaking takot sa nadarama ng mga mamamayan sa mga pulis.
Tanging konswelo na lang ng mga mamamayan ang kawalan ng kaso ng mahigit 200,000 pulis.