MANILA, Philippines- Patay ang umano’y miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute Group sa engkwentro sa Philippine military sa Piagapo, Lanao del Sur nitong Linggo, ayon sa ulat ng Western Mindanao Command (WestMinCom).
Sinabi ni WestMinCom commander Major General Antonio Nafarrete na nagkaroon ng dalawang hiwalay na engkwentro sa Barangay Kalangan, tinatayang umabot ng tig-15 minuto, kung saan napaslang ang hindi pa natukoy na miyembro umano ng Daulah Islamiyah-Maute Group, base sa ulat.
Narekober ng mga awtoridad ang war materials, kabilang ang M16 rifle, isang M14 rifle, mga bala, gun magazine, tatlong rifle grenades, at improvised explosive device (IED) indicator. Walang ibang detalyeng binanggit sa ulat.
Nananawagan ang WestMinCom sa mga natitirang miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute Group na sumuko na, binanggit ang mga programa ng pamahalaan upang tanggapin sila sa lipunan. RNT/SA