
MATINDING pinag-aawayan ngayon ng mga politiko, ibang mga lider, mediamen at mamamayan ang pambansang badyet para sa taong ito.
Nakasentro ang away sa 222 pahina mula sa mahigit 1,000 pahina ng nasabing badyet dahil dito umano nagkaroon ng mga maniobrahan na nagbunga ng mga dagdag-bawas o kaya’y paglalagay ng halaga sa mga blinangkong linya o walang nakatakdang halaga bilang pondo ng mga proyekto at iba pa.
Naganap umano ang maniobrahan makaraang ratipikahan at pirmahan ang bicameral conference committee report na may dagdag-bawas o blangkong linya sa dapat na pondo.
May 14 umanong pumirma na senador at dalawa ang tahasang hindi pumirma gaya nina Manang Imee Marcos at Bato dela Rosa habang hindi klaro kung pumirma ang 7 senador.
Ang iba pumirma nang may agam-agam o pumirma na lang na hindi na binuklat at binasa ang report.
Makaraan ang mga pagpirma at hindi pagpirma, dinala na sa Kamara ang 220 pahina na bicam report para isingit sa mga dapat na pahinang pagsingitan at pagkatapos nito ay ang pag-iimprenta na ng pinal na kopya ng panukalang batas o enrolled bill na ang tawag.
Kapag pinirmahan ito ng Pangulo ng Pilipinas, batas na ang panukala at tinatawag na itong General Appropriations Act o GAA.
ANG MGA KONTROBERSYA
May nagsasabing nasa P138 bilyon ang halagang minaniobra habang sinasabi naman ng iba na may P186B sa Bicam pero sa GAA, naging P126B na lang.
Palatandaan ‘yan ng dagdag-bawas.
Kapag pinagkumpara ang Bicam Report at GAA, kitang-kita umano hindi lang ang dagdag-bawas kundi ang mga blangko sa Bicam Report ngunit may halaga na sa GAA.
Dahil dito, tinatanong ngayon kung sino ang nagdagdag-bawas at lalong tinatanong kung sino ang naglagay ng mga halaga sa mga blangko o walang takdang halaga ng pinirmahang report para maging bahagi ng enrolled bill na pinirmahan ng Pangulo para maging GAA.
Sa tantiya ng mga kritiko, posibleng ginawa ang paglalagay ng halaga sa mga blangkong linya noong Disyembre 11-13 o mga araw bago iimprenta ang buong pinal na kopya ng panukalang GAA at matapos nito, ipadadala sa Malakanyang para pirmahan ng Presidente.
MGA SAKSI AT IBA PA
Matapos na iulat sa bayan ang tinataguriang anomalya sa pambansang badyet ni ex-President Digong Duterte, sumunod na si Congressman Isidro Ungab na unang nakadiskubre sa umano’y anomalya dahil sa pagkalkal nito sa zero budget ng PhilHealth.
Sumunod na rito ang pagkumpirma nina Sen. Imee at Bato at Party-list Representatives Raoul Manuel at France Castro.
Nag-ingay na rin si dating Senador Ping Lacson at iba pa at dito na lumahok sa mga talakayan ang media, ibang mga personalidad at mamamayan.
Naghugas-kamay na rin mismo ang Pangulo sa pamamagitan ni Executive Secretary Luis Bersamin at sinabing problema ng Kongreso ang usapin at hindi ng ehekutibo.
Sino o sino-sino nga ba ang nagdagdag-bawas o naglagay ng halaga sa mga blangkong linya at para ano?
Dapat umaksyon ang Supreme Court sa pinakamadaling panahon kung may magsasampa ng kaso rito.