Home NATIONWIDE Samar malayo na ang narating sa laban vs insurgency – PBBM

Samar malayo na ang narating sa laban vs insurgency – PBBM

MANILA, Philippines – MALAYO na ang narating ng lalawigan ng Samar sa pakikipaglaban sa insurgency o insurhensiya.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa isinagawang pamamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda at kanilang pamilya sa programa sa Northwest Samar State University (NWSSU) sa Calbayog City.

Sa katunayan, sinabi ng Pangulo na limang munisipalidad sa lalawigan ang natamo at napagtagumpayan ang stable internal security status.

”Isa ito (insurgency) sa mga balakid sa pag-unlad ng inyong lalawigan. Gayon pa man, malayo na po ang narating natin, limang municipality ang deklarado na na may stable internal peace and security status,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.

Aniya pa, may kabuuang 186 community support programs ang naipatupad ng pamahalaan sa lalawigan.

Mayroon namang 63 dating rebelde ang tinulungan matapos na sumuko sa gobyerno.

Matatandaang, noong nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Marcos na kumpiyansa siya na mabubuwag ang komunistang rebeldeng grupo sa Northern Samar sa katapusan ng naturang taon.

Winika ng Punong Ehekutibo na nakatanggap siya ng briefing sa success rate sa pagbuwag at paghina na ng coomunist terrorist groups (CTG) front na resulta aniya ng pagsusumikap ng naturang Infantry brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Umasa rin ang Chief Executive na maidedeklarang clear o insurgency free na ang probinsiya mula sa communist terrorist groups.

Sinabi din ng Pangulo na patuloy ang pagpapaganda ng sitwasyon sa probinsiya at hindi na ito makapagantay pa na maideklarang malaya mula sa insurhensiya ang naturang probinsiya mula sa CTG formations.

Samantala, pinalawig naman ni Pangulong Marcos ang monetary support na nagkakahalaga ng P10,000 kada sa 10 benepisaryo mula sa Lalawigan ng Samar, Eastern Samar at Northern Samar; P50 million sa Provincial Government ng Samar; P19.3 million sa Provincial Government of Eastern Samar; at P25.9 million sa Provincial Government of Northern Samar. Kris Jose