Home NATIONWIDE Bakuna laban sa ASF, malapit nang maging available – DA

Bakuna laban sa ASF, malapit nang maging available – DA

MANILA, Philippines – SA MADALING panahon ay magiging available na rin ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) para sa commercial use sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang commercial trial para sa bakuna ay nakatakdang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA), dalawang linggo mula ngayon.

“After that, commercial distribution will follow,” ayon sa DA.

Inaasahan naman ng DA na ang availability ng bakuna ang mapapatigil sa paglaganap ng ASF sa bansa.

“Malapit nang lumabas ‘yung approval sa vaccine for the swine,” ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa sidelines ng Presidential Assistance for Farmers, Fisherfolk and Families (PAFFF) event sa Calabayog City, Eastern Samar, araw ng Huwebes.

“FDA and the DA are working very closely on this. Ang ganda ng teamwork namin,” dagdag na wika ni Laurel.

Inilarawan naman ng Kalihim na epektibo ang bakuna.

“The vaccine from Vietnam really works. So, that solves our problem,” diing pahayag nito.

Samantala, sinabi naman ni Tiu Laurel na layon ng DA na tutukan ang pagtse-check sa imported goods na pumasok sa bansa.

“Kailangan i-check kasi I believe dati naman wala naman tayong ASF, wala naman tayong bird flu,” aniya pa rin.

“Dapat doon tayo sa gates nagbabantay and after that internal,” ang sinabi nito.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang availability ng anti-ASF vaccines ang magbibigay-daan para sa recovery ng swine industry.

Nagdusa ang industriya nang tamaan ito ng ASF, isang lubhang nakakahawa at nakamamatay na swine disease na makaaapekto kapuwa sa ‘farm-raised at feral (wild) pigs.’ Kris Jose