MANILA, Philippines – Nagbabala ang San Lazaro Hospital laban sa mga scammer na gumagamit ng AI para magpanggap bilang opisyal ng ospital at humingi ng donasyon.
Isang supplier ng ospital ang tumanggap ng tawag mula sa taong nagpakilalang Chief David Suplico at humingi ng donasyon para sa proyekto ng DOH sa mga nasalanta sa Cebu.
Napansin ng supplier na tila robotic at scripted ang boses ng tumatawag, posibleng gamit ang AI.
Nalaman ng supplier na scam ito matapos makipag-ugnayan sa staff ng ospital at hindi na nagbigay ng karagdagang pera.
Iginiit ng ospital na hindi sila nanghihingi ng donasyon sa telepono at dapat direktang makipagtransaksyon sa ospital. Naglabas din ng kaparehong babala ang ibang ospital tulad ng Tondo Medical Center at Jose R. Reyes Memorial Medical Center. RNT