PANGASINAN, Philippines – Magsisimulang magpakawala ng tubig ang San Roque Multi-Purpose Dam sa alas-8 ng umaga sa Miyerkules, Setyembre 2, ayon sa National Power Corporation (Napocor).
Aabot sa 300 cubic meters kada segundo ang ilalabas na tubig patungo sa Agno River matapos umabot sa 283.68 meters above sea level (masl) ang water elevation ng dam nitong Martes ng tanghali.
Pinayuhan ng Napocor ang mga bayan ng San Manuel, San Nicolas, Asingan, Tayug, Sta. Maria, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, at Bayambang na nasa kahabaan ng Agno River na manatiling alerto at magsagawa ng mga paghahanda.
Nauna nang hiniling ng grupo ng mga negosyante sa Napocor na unti-unting magpakawala ng tubig nang halos umabot sa 283 masl ang dam. Ayon kay Rosendo So, pangulo ng Pangasinan Chinese-Filipino Chamber of Commerce, dapat ay nagsimula na ang pagpapakawala bago pa umabot sa mandatory spilling level na 280 masl dahil inaasahan pa ang pagdating ng mas maraming bagyo.
Noong 2009, nang hagupitin ng Bagyong Pepeng ang hilagang Luzon, nagbukas ang Napocor ng mga gate nang papalapit na ang water elevation sa 290 masl. Nagdulot ito ng pagbaha sa 36 bayan at lungsod sa Pangasinan, ayon kay So.
“Affected parties pursued legal action against Napocor and San Roque Power Corporation over the massive flooding and alleged improper and sudden release of water from the dam,” aniya.
Matapos ang malawakang pagbaha noong 2009, nagpatupad ang Napocor ng pre-emptive gate openings bago umabot sa 280 masl ang tubig. Noong Hulyo 30, 2025, binuksan ang ilang gate nang nasa 277.10 masl ang reservoir, habang noong 2024 ay binuksan ang floodgates sa 276.27 masl.
Sa mga sumunod na taon, regular ding nagsagawa ng kontroladong maagang pagpapakawala ng tubig ang mga operator kapag may banta ng masamang panahon upang mapamahalaan ang paparating na tubig mula sa Binga at Ambuklao dams sa Benguet. RNT/MDS