Home TOP STORIES Sandy’s Act lusot sa 3rd reading ng Senado

Sandy’s Act lusot sa 3rd reading ng Senado

69
0

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1926 o Child Tourist Safety Act, na mas kilala bilang “Sandy’s Act,” para palakasin ang emergency response at safety standards sa mga destinasyong panturista.

Nakakuha ang panukala ng 18 affirmative votes, walang tumutol at walang abstention.

Ikinatuwa ni Sen. Mark Villar ang pagpasa ng panukala, na aniya’y magbibigay ng mas maayos na access sa medical assistance at emergency response sa mga tourism area.

Ipinangalan ang panukala kay Sandy, anim na taong gulang na nasawi noong 2023 matapos magkaroon ng matinding reaksiyon matapos makagat ng dikya habang nagbabakasyon sa Palawan. Ang insidente ang naging isa sa mga dahilan sa pagsusulong ng mas mahigpit na safety requirements sa tourism establishments.

Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang mga sakop na tourism establishments na magkaroon ng emergency at risk mitigation plans, trained first-aid personnel, sapat na medical equipment at access sa health professionals.

Kabilang din sa mga panukalang requirement ang agarang transportasyon patungo sa pinakamalapit na ospital at pagkakaroon ng certified lifeguards sa mga pasilidad na may swimming pool o anyong-tubig.

“Through the Sandy’s Act we will institutionalize immediate medical response and resources in identified tourism zones, nang sa ganoon, maiwasan na maulit ang mangyari kay Sandy at sa iba pa,” ani Villar.

Ayon sa senador, makatutulong din ang mas mahigpit na safety at emergency measures upang maprotektahan ang mga turista at mapalakas ang turismo sa bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here