Home METRO Sanggol, nanay patay sa semplang

Sanggol, nanay patay sa semplang

GENERAL SANTOS CITY-PATAY ang isang ina at 6-na buwan nitong anak na sanggol habang kritikal ang asawa matapos sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Dead-on-the-spot ang mag-inang Eliza Mae Cutan, 23 anyos at anak nitong si Baby Marshall habang patuloy na inoobserbahan sa ospital ang kanyang asawa na si Marwel Cutan, 25 at pawang residente sa Sitio Fatal, Brgy. San Jose, ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Traffic Enforcement Unit-GenSan, bandang 3:30 PM ng maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Bagong Silang, Brgy. San Jose ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa kanilang sakahan ang mga biktima at pauwi na sana ang mga ito sa kanilang tahanan lulan ng motorsiklo.

Pagsapit sa nasabing lugar bigla na lamang umanong nawalan ng preno ang motorsiklo at dumiretso ito sa gutter dahilan para sumemplang ang motorsiklo saka tumalsik sa kalsada ang mga sakay.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang mag-ina naging sanhi ng agaran nilang kamatayan habang patuloy naman ginagamot sa ospital ang ama sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan./Mary Anne Sapico