MANILA, Philippines- Sisimulan na ang restoration ng dekada nang Santa Monica Paris Church o mas kilala bilang Sarrat Church kasunod ng structural damage dulot ng mga pagyanig noong 2024.
Ang makasaysayang simbahan na landmark ng Filipino-Hispanic architecture sa Ilocos Norte ay makakatanggap ng P40 milyong pondo ng gobyerno para sa unang yugto ng repairs, kinumpirma ng Catholic Bishops’ Confference of the Philippine (CBCP).
Ginawang pormal ang restoration agreement ng Diocese of Laoag at ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na nilagdaan nina Bishop Renato Mayugba sa ngalan ng diyosesis at NHCP Chair Regalado Trota José na kumakatawan sa heritage agency.
Sa ilalim ng kasunduan, ang NHCP ang mangunguna sa pagpapanumbalik, kasama ang diyosesis na nagbibigay ng awtorisasyon upang magpatuloy sa gawain.
Ang mga pinsala mula sa lindol noong Pebrero, Hunyo at Disyembre noong nakaraang taon ay nagdulot ng pagkasira ng ilang bahagi ng istruktura, kabilang ang wooden beams at sections ng pader na bato.
Bilang pag-iingat, ang simbahan ay nilisan nang maaga nitong 2025.
Ang inisyal na restoration phase ay nakatuon sa pagkukumpuni sa roof at trusses at pagpapatibay sa brick walls.
Ang bidding para sa mga kontratista at recruitment ng manggagawa ay patuloy, kung saan inaasahang magsisimula ang konstruksyon sa Setyembre.
Kinilala bilang isa sa pinakamahaba at pinakamalawak na simbahang Filipino-Hispanic sa rehiyon ng Ilocos, pinaniniwalaang nasa 200 taong gulang ang Santa Monica Church.
Noong 2024, binigyan ng Apostolic Penitentiary ng Vatican ang simbahan ng pribilehiyo ng plenary indulgence para sa mga pilgrims bilang pagdiriwang ng ika-300 anibersaryo nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden