VATICAN CITY – Nananatiling kritikal ngunit stable ang kalagayan ni Pope Francis sa ikaapat na araw ng kanyang laban sa double pneumonia, ayon sa Vatican nitong Martes.
Nasa Rome’s Gemelli Hospital na ang 88-taong gulang na Santo Papa sa loob ng 12 gabi — ang kanyang pinakamahabang pananatili sa ospital mula nang magsimula ang kanyang papasiya. Sa kabila ng kanyang malubhang kondisyon, hindi na siya nakaranas ng karagdagang pag-atake sa paghinga at patuloy na kumakain at nakakalakad sa loob ng kanyang silid.
Noong Lunes, nakipagpulong si Pope Francis kina Cardinal Pietro Parolin at kanyang deputy upang talakayin ang mga nakabinbing kaso ng canonization, patunay na tuloy ang gawain ng Vatican kahit nasa ospital ang Santo Papa.
Nag-anunsyo rin ang Vatican ng mga bagong appointment na nangangailangan ng kanyang pag-apruba.
Libu-libong tao ang nagtipon sa St. Peter’s Square upang ipanalangin ang kanyang paggaling, na sinamahan ng araw-araw na prayer service na pinangungunahan ng mga opisyal ng Simbahan tulad ni Cardinal Luis Tagle.
Naunang iniulat ng Vatican na bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan, habang tiniyak na hindi dapat ikabahala ang bahagyang kakulangan sa paggana ng kanyang kidney.
Sa kabila ng kanyang edad at mga dating problema sa kalusugan — kabilang ang pag-alis ng bahagi ng kanyang baga noong kabataan dahil sa pleurisy — nananatili siyang tapat sa kanyang misyon. Patuloy pa rin siyang dumadalo sa mga pagpupulong at open-air Masses kahit sa gitna ng kanyang karamdaman. RNT