MANILA, Philippines- Mayroong sapat na fuel supply sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) sa kabila ng pananalasa ng tropical cyclones Marce (international name Yinxing), Nika (Toraji), at Ofel (Usagi).
“As of [12 noon] on 15 November 2024, no reported oil supply disruption was received as of this writing. The oil supply is sufficient in affected areas,” ang sinabi ng Presidential News Desk, araw ng Sabado, tinukoy ang energy situation report ng Task Force on Energy Resiliency (TFER) ng Department of Energy (DOE).
Nauna rito, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na siguraduhin na sapat ang suplay ng mga pangunahing pangangailangan, fuel at kuryente sa mga lugar na tatamaan ng tropical cyclones.
Nagbigay din ang TFER ng update sa status ng downstream oil industry facilities, sabay sabing ang lahat ng mga naglalakihang pasilidad ay operational habang ang tatlong oil retail outlets ay hindi.
Nagpatupad naman ng price freeze para sa liquefied petroleum gas (LPG) sa 11-kilogram cylinders at pababa, at kerosene products. Mananatili ito hanggang 15 araw matapos ang deklarasyon ng state of calamity.
Ang state of calamity ay idineklara sa Cabagan, Isabela; Dilasag, Aurora; and Paracelis, Mountain Province kasunod ng masungit na panahon.
Tiniyak din ng TFER ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na maibalik ang napinsalng power lines ng distribution utilities na apektado ng bagyong Nika.
Base sa report ng TFER, may anim na electric cooperatives sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan Valley, Central Luzon at CAR ay nasa ‘partial power interruption status’ nakaapekto sa 220,000 consumer connections.
Dahil sa kamakailan lamang na weather disturbances, nagtamo ng paunang tinatayang pinsala na umabot sa P22,375,861.81 ang Cagayan II Electric Cooperative Inc. (CAGELCO II), Kalinga-Apayao Electric Cooperative, Inc. (KAELCO), Aurora Electric Cooperative, Inc. (AURELCO), Benguet Electric Cooperative (BENECO) and Quirino Electric Cooperative (QUIRELCO), ayon sa data mula sa DOE.
Napaulat na bahagyang naibalik na ng Isabela I Electric Cooperative, Inc. (ISELCO I) ang koneksyon para sa Alicia, Angadanan, City of Cauayan, San Mateo, Cordon, Echague, Jones, Ramon, San Isidro, City of Santiago, San Guillermo, at San Agustin.
Mahigit sa 167,000 consumer connections ang nananatiling nakabinbin para sa restorasyon.
Bahagyang naibalik naman ng ISELCO II ang koneksyon para sa Santa Maria, Santo Tomas, Tumauini, Benito Soliven at San Mariano, habang hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente sa Palanan.
Para sa mga consumer naman ng QUIRELCO, ang distribusyon ng utility ay bahagyang naibalik ang power lines para sa Aglipay, Cabarroguis, Diffun, Maddela, Saguday at Nagtipunan. May kabuuang 26,402 consumer connections ang naghihintay ng restorasyon kabilang na iyong mga nasa bayan ng San Agustin.
Bahagyang naibalik na rin ng KAELCO ang suplay ng kuryente sa Tabuk City, Pasil, Tanudan, Conner at Kabugao, habang ang Ifugao Electric Cooperative, Inc. ay napaulat na nagsagawa ng partial restoration sa Alfonso Lista at Aguinaldo.
Ang AURELCO sa Central Luzon ay may nakabinbin na restorasyon para sa 4,793 consumer sa Casiguran, Dilasag at Dinapigue. Kris Jose