Home HOME BANNER STORY LRT1 Cavite extension project umarangkada na!

LRT1 Cavite extension project umarangkada na!

MANILA, Philippines- Nagsimula na nitong Sabado, Nov. 16, ang operasyon ng unang yugto ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1) Cavite extension project na nagbukas ng limang stations nito sa mga mananakay.

Sinabi ni Jacqueline Gorospe, tagapagsalita ng Light Rail Manila Corp. (LRMC), sa unang araw ng operasyon ng LRT1 Cavite Extension Phase 1 (L1CE), ang mga nangungunang istasyon na may maraming pasahero ay ang PITX, Ninoy Aquino Ave., at Dr. Santos.

Nakitaan din ng pagdami ng mga pasahero sa southbound mula sa EDSA Station habang sila ay patungo sa L1CE stations.

Naobserbahan din ang maraming first-time train riders at mga pamilya na hindi gumamit ng kanilang mga personal na sasakyan lalo na’t weekend.

Ang limang bagong istasyon sa ilalim ng LRT1 Cavite Extension Phase 1 ay Redemptorist – AseanaStation, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos (dating Sucat) Station.

Bahagi ng 27 kilometrong linya ng tren ang mga karagdagang istasyon na ito mula sa dating 20.7 kilometro nito na may 20 istasyon lamang.

Ipatutupad ng LRMC ang kasalukuyang oras ng serbisyo ng tren ng LRT1 para sa buong linya, na ngayon ay may 25 istasyon.

Para sa mga karaniwang araw, ang unang tren ay aalis mula sa Dr. Santos Station at Fernando Poe Jr. Station sa ganap na alas-4:30 ng umaga habang ang huling tren ay aalis sa Dr. Santos Station sa alas-10 ng gabi at Fernando Poe Jr. Station sa ganap na alas-10:15 ng gabi.

Sa katapusan ng linggo at pista opisyal, ang unang tren ay aalis ng alas-5 ng umaga, at ang huling tren ay aalis ng alas-9:30 ng gabi mula kay Dr. Santos at alas-9:45 ng gabi mula sa istasyon ng Fernando Poe Jr.

Ipatutupad din ng LRMC ang kasalukuyang fare structure para sa limang bagong istasyon.

Nananatili sa P13.29 ang boarding fare, na may distansyang P1.21 kada kilometro.

Ang maximum Single Journey Ticket fare para sa end-to-end na biyahe mula Fernando Poe Jr. Station hanggang Dr. Santos Station at vice versa ay P45, habang ang Stored Value Card pamasahe ay nasa P43. Jocelyn Tabangcura-Domenden