Home NATIONWIDE Sapat na pondo ng PhilHealth sa kabila ng UHC amendments tiniyak ni...

Sapat na pondo ng PhilHealth sa kabila ng UHC amendments tiniyak ni Herbosa

MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa na nananatiling matatag ang pinansiyal na posisyon ng PhilHealth na may P284 bilyong corporate operating budget para sa taon.

Idinagdag pa ni Herbosa na kasama sa badyet ang 10 porsyentong pagtaas sa mga benepisyo, na may mas mataas na rate ng kaso para sa mga karaniwang ginagamit na package tulad ng Community-Acquired Pneumonia, Hypertension, at Animal Bites.

Binanggit ni Herbosa na ang pagtulak na gamitin ang pondo ng PhilHealth ay nakakuha ng momentum kasunod ng fund transfer, na binibigyang-diin na ang korporasyon ay may tungkuling magbigay ng mga benepisyo sa miyembro nito.

Samantala, sinabi ng DOH na suportado nito ang panukalang amendments sa Universal Health Care (UHC) Act.

Binanggit ng DOH na ang key amendments sa parehong bersyon ng Kamara at Senado ng panukalang batas, kabilang ang pagpapababa sa premium contribution rate mula sa kasalukuyang 5 porsyento na may income ceiling, pagbabawas ng pinansyal na pasanin sa mga migranteng manggagawa, at pag-uutos sa isang third-party auditor na suriin ang pananalapi ng PhilHealth at pamamahagi ng benepisyo.

Dahil dito, sinabi ng ahensya na sinusuportahan nito ang karagdagang probisyon sa HBN 11357, na nagrerebisa sa computation ng administrative expenses ng PhilHealth, kabilang ang mga sweldo. Sa halip na ibabatay sa 7.5 porsyento ng kabuuang koleksyon ng premium, ang limitasyon ay itatakda na ngayon sa 7.5 porsyento ng kabuuang pagbabayad ng benepisyo mula sa nakaraan.

Tinanggap ni Herbosa ang pagpasa ng panukalang batas, na binibigyang-diin ang potensyal nito na mapabuti ang pag-access sa pangangalagang pangkalusugan. Jocelyn Tabangcura-Domenden