Home NATIONWIDE SAR ops sa lumubog na Amejara motorbanca pinalawak – PCG

SAR ops sa lumubog na Amejara motorbanca pinalawak – PCG

167
0

MANILA, Philippines – Pinalawak pa ang paghahanap sa siyam na nawawalang tao sa lumubog na motorbanca Amejara sa mga karagatan ng Indonesia at timog-kanlurang Mindanao, partikular malapit sa Basilan, ayon sa mga awtoridad.

Sinabi ni Commodore Philipps Soria ng Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) na matapos ma-recover ang anim na bangkay nitong weekend, natuklasan din ang mga bahagi ng motorbanca, life jackets, at life ring na may markang “Amejara.”

Mula sa orihinal na apat na search sectors, naging pito na ito sa panig ng Pilipinas, at nadagdagan pa ng dalawa sa karagatan ng Indonesia.

Nagbigay ng suporta ang Indonesian Coast Guard sa pamamagitan ng pag-apruba ng overflight operations sa kanilang karagatan.

Iniimbestigahan din ang dalawang bagay na natagpuan ng Indonesian Coast Guard na maaaring bangkay, debris, o lumulutang na bagay.

Samantala, habang papalapit ang search operations sa lugar kung saan lumubog ang MV Trisha Kerstin 3, sinabi ni Soria na nakikipag-ugnayan sila sa Coast Guard District Southwestern Mindanao upang matukoy kung ang mga natagpuang bangkay o debris ay mula sa Amejara o sa Trisha Kerstin 3.

Sa paunang imbestigasyon dalawang investigating teams ang binuo: isang Marine Casualty Investigation team para sa safety improvements, at isang Incident Investigation team para sa posibleng pananagutang legal ng mga sangkot sa insidente.

Lumabas sa imbestigasyon na limitado ang prangkisa ng Amejara sa rutang Davao City-Samal Island at dapat lamang maglayag sa araw.

Umalis ang Amejara sa Sta. Ana Wharf noong Enero 17, alas-8 ng gabi, kahit walang permit. Sa passenger manifest, 15 katao ang nakalista ngunit 16 ang sumakay. Mabilis na nagsimula ang search and rescue operations noong Enero 19 matapos maulat ang insidente.

Sa ngayon, isang tao pa lang ang nakaligtas, anim na bangkay ang narekober, at siyam pa ang nawawala.

Patuloy ang search and rescue operations dahil naniniwala ang CGDSEM na maaaring buhay pa ang ilan sa mga nawawala. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here