MANILA, Philippines – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na tumaas ang kaso ng cybercrime sa Pilipinas.
Sa pagbanggit sa datos ng Anti-Cybercrime Group (ACG), sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na bumaba sa 3,704 ang kaso ng cybercrime noong second quarter mula sa 4,354 noong unang quarter.
“So lumalabas po ‘yan ay meron pong pagbaba na 14.86%. At kung ito naman pong second quarter, ikukumpara po natin from July to September ay mas mababa pa rin po ‘yan ng 5.75%. So makikita natin continuing po ‘yung pag baba,” anang opisyal.
Gayunpaman, nabanggit niya na mayroong bahagyang pagtaas sa mga kaso noong Hulyo.
Inilabas ni Fajardo ang pahayag matapos lumabas sa ulat ng Social Weather Station (SWS) na ang mga pamilyang nabiktima ng cybercrimes ay tumaas mula 3.7% noong Hunyo hanggang sa record-high na 7.2% noong Setyembre.
Isinagawa ang survey mula Setyembre 14 hanggang 23 gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults sa buong bansa na may sampling error margin na ±2.8% para sa national percentage, at ±5.7% bawat isa para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. .
Bukod dito, sinabi ni Fajardo na patuloy din ang pagbaba ng mga krimen laban sa mga tao at mga krimen laban sa ari-arian. Sinabi niya na mayroong 13.52% na pagbaba sa mga naturang kaso. RNT