Bulacan – Arestado ang 40 anyos na lalaking naburyong matapos umanong sunugin sa pamamagitan ng used oil ang kanilang sariling bahay sa bayan ng Bulakan.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek sa alyas na Abel, may-asawa, jobless, residente ng Purok 5, Brgy. Bambang.
Sa report, naganap ang insidente bandang 1:30 ng hapon nitong Linggo, Setyembre 15 sa nabanggit na lugar.
Ayon sa report, sinabuyan ng used oil ng suspek ang paligid ng bahay sabay sinindihan kaya nagliyab ito.
Dumating naman agad ang mga bumbero kaya mabilis naapula ang sunog at walang naitalang nasaktan sa nasabing insidente.
Dahil sa estado ng pagkakabigla ng nakakabatang biktimang kapatid na itago sa pangalang Ven sa nangyari ay hindi matantiya ng mga awtoridad ang kabuuang nasirang ari-arian sa nangyaring sunog.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na nahuli ng mga opisyal ng barangay at kalauna’y isinuko nila sa kinauukulan. Dick Mirasol III