Home NATIONWIDE Sariling ticketing booths sa estudyante, hirit ni Tulfo sa LRT, MRT

Sariling ticketing booths sa estudyante, hirit ni Tulfo sa LRT, MRT

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Transportation (DOTr) na maglagay ng hiwalay na ticket booths para sa mga estudyante sa mga estasyon ng LRT at MRT, kasunod ng mga reklamo tungkol sa mabagal at abalang proseso ng pagkuha ng diskuwento.

“Layunin ng student fare discount ang gawing mas abot-kaya ang pamasahe para sa mga mag-aaral, hindi para pahirapan sila,” ani Tulfo.

Nanawagan din siyang gawing digital ang proseso at isama na sa beep card ang diskuwento. Inirekomenda niyang padamihin ang suplay ng beep cards at gawing mas madaling bilhin sa mga convenience store para mas mapakinabangan ng lahat, lalo na ng mga estudyante.

Bagaman itinaas ng DOTr sa 50% ang diskuwento sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3, marami pa rin ang hindi ito sinasamantala dahil sa abalang proseso. Kinakailangan pa ng ilang estudyante na magpakita ng enrollment form at magsulat ng impormasyon sa form kada biyahe, lalo na kung wala sa kanilang ID ang kasalukuyang taon ng pag-aaral.

Bilang chairman ng Senate committee on public services, ipinadala ni Tulfo ang kanyang staff para mag-inspeksyon at mangalap ng saloobin ng mga estudyante sa mismong mga estasyon. Ernie Reyes