MANILA, Philippines – Iginiit ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno sa Senate impeachment court na batay sa jurisprudence ng Korte Suprema na dapat masuri ang buong larawan ng pananalapi ng isang pampublikong opisyal kapag pinag-uusapan ang unexplained wealth.
“Ang hinihiling po namin sa mga subpoena ay kaugnay sa Article 2 which involves charges of unexplained wealth. Kung titingnan po natin ang mga jurisprudence pagdating sa unexplained wealth, klarong-klaro na sinabi mismo ng Korte Suprema na kailangang makita yung buong larawan,” paliwanag ni Diokno sa taniong ni Senator-judge Joel Villanueva ukol sa subpoena requests ng prosekusyon.
Aniya, ito ang dahilan kaya hiniling ng prosekusyon ang bank, tax, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni Vice President Sara Duterte lalo at limitado lamang ang impormasyong ibinibigay ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at income tax return (ITR).
“Ang SALN kasi ay parang snapshot lang po yan. Ang ITR din po ay short video lang ‘yan.Makikita lang po natin ang buong larawan pag nailabas natin ang mga bank records, kasi doon ang day-to-day na lumabas at pumasok sa isang account, ay mabubuo natin,” giit ni Diokno.
Binanggit ni Diokno ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong DOF-Revenue Integrity Protection Service v. Merencilla, kung saan pinuna ng mataas na hukuman ang mga imbestigador dahil hindi nasuri ang kabuuang sitwasyon sa pananalapi ng respondent.
“Ito ay sabi ng Supreme Court, ‘Ombudsman, hindi ninyo nagawa ang inyong trabaho.’ Kaya ayaw po naming tumulad sa nangyari kay Ombudsman dito sa kasong ito. We want to see the entire picture,”paliwanag ni Diokno.
“Kaya namin hinihingi yung BIR records, pati yung mga bank records, and even the Anti-Money Laundering Council records para makita natin ‘yung buong story as far as both the assets, liabilities and net worth are concerned, and the lawful and if there is unlawful income, acquired by the respondent,” ani Diokno.
Nanindigan si Diokno na ang subpoena lamang ang legal na paraan para makuha ng impeachment court ang mga nasabing dokumento.
“Ang subpoena po ang tanging paraan para makuha nitong hukuman ang mga kinakailangan po nating datos at impormasyon at dokumento… The issue of admissibility will come later and the defense will have sufficient opportunity to object and to oppose,”depensa pa ni Diokno. Gail Mendoza