MANILA, Philippines- Maaaring tanggapin bilang ebidensya sa korte ang isang duplicate o photocopy ng mga orihinal na dokumento, maging sa papel o electronic form, basta’t walang duda o kwestiyon tungkol sa pagiging tunay o pagiging patas sa paggamit ng kopya.
Sa desisyong isinulat ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo, pinagtibay ng Supreme Court First Division ang hatol kay Ybo Lastimosa para sa pagpatay kay Ildefonso Vega, Jr. Gumamit ang prosekusyon ng photocopy ng death certificate ni Vega bilang pangunahing ebidensya sa kaso.
Sa paglilitis, tumestigo ang mga saksi na binaril ni Lastimosa si Vega sa ulo sa labas ng isang sabungan sa Cebu City. Tumestigo din ang asawa ni Vega na patay na siya nang madatnan sa ospital. Para suportahan ito, ang prosekusyon ay nagprisinta ng photocopy ng death certificate ni Vega na nagkumpirma na namatay siya dahil sa mga tama ng bala sa ulo at leeg.
Guilty sa kasong homicide ang hatol kay Lastimosa ng Regional Trial Court na binigyan ng timbang ang photocopy ng death certificate at eyewitness accounts. Sa apela, inangat ng Court of Appeals ang hatol sa murder.
Umapela si Lastimosa at nangatwiran na nabigo ang prosekusyon na patunayan na nangyari ang krimen dahil ang orihinal na death certificate ay hindi iprinisinta sa paglilitis. Dagdag niya, ang isang photocopy, nang walang paghahambing sa orihinal para sa pagpapatunay, ay hindi dapat tinanggap bilang ebidensya.
Pero tinanggihan ng Korte Suprema ang argumentong ito. Paliwanag ng Korte, sa ilalim ng Rule 130, Section 4(c) ng 2019 Revised Rules on Evidence, na nagkabisa noong 2020, ang isang duplicate ay tinatanggap bilang orihinal maliban kung may genuine na tanong tungkol sa pagiging tunay ng orihinal o kung magiging hindi patas ang paggamit ng duplicate. Nalalapat ang panuntunang ito sa parehong papel at elektronikong mga dokumento, na nagpapakita ng kasalukuyang realidad kung saan ang mga duplicate ay kadalasang maaasahan tulad ng mga orihinal.
Sa kasong ito, binanggit ng Korte na ang photocopy ng death certificate ay tinatanggap dahil walang pagtatalo sa pagiging tunay ng orihinal na dokumento, at walang anumang pag-aangkin na hindi patas sa pag-rely sa duplicate.
Gayunman, binigyang-diin ng Korte na habang ang isang photocopy ay maaaring tanggapin, ang bigat o halaga nito ay nakasalalay sa kung gaano ito kahusay na nagpapatunay o sumusuporta sa iba pang magagamit na ebidensya. Sa kasong ito, suportado ng testimonya ng asawa ng biktima at ng ibang mga testigo ang pagkamatay ni Vega.
Pinagtibay ng Korte ang sentensya ni Lastimosa na reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon at inutusan siyang magbayad ng P275,000 bilang civil indemnity at danyos, na may interes. Teresa Tavares