MANILA, Philippines- Walang kapangyarihan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na kunin ang mga pribadong lupain para sa flood control measures nito.
Sa 15 pahinang desisyon ng SC Third Division, ibinasura ang petisyon ng MMDA na kumukwestiyon sa naging ruling ng Court of Appeals (CA) na nagsasabing wala sa katwiran ang 10-meter ‘legal easement’ na ipinataw ng MMDA sa property ng Diamond Motor Corp. sa Quezon Avenue sa Quezon City.
Sinabi ng SC na ang kapangyarihan ng MMDA ay limitado sa pangangasiwa sa flood control partikular ang pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya, programa at proyekto para sa pinagsama-samang flood control, drainage at sewerage system.
Nakasaad sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao na hindi kasama sa mandato ng MMDA ang kapangyarihan ng “eminent domain” o ang pagkuha ng private property para magamit ng publiko nang walang consent mula sa may-ari ng property.
Inihayag ng SC na walang nakasaad na probisyon sa batas na nagtatatag sa MMDA o Republic Act No. 7924 na mayroon itong kapangyarihan na mang-angkin o kumuha ng private property.
Nilinaw naman ng Supreme Court na hindi nito binabalewala ang tumitinding problema ng pagbaha sa Metro Manila at mga kaakibat na problema na dulot ng mga pagbaha.
Iginiit ng Korte na kapuri-puri ang layunin ng MMDA ngunit hindi ito maaring sumang-ayon sa ginagawa ng ahensya kung hindi ito legal na ipinahihintulot. Teresa Tavares