MANILA, Philippines- Inaresto ng National Bureau of Investigation-National Capital Region ang isang suspek sa Mandaluyong City na umano’y nag-ooperate nang door-to-door drug delivery service para sa celebrities at negosyante.
Nagsilbi ng search warrant ang NBI sa suspek sa kanyang apartment kung saan nakuha nila ang hinihinalang cocaine, isang automatic assault rifle na may scope, at isang handgun, ayon sa ulat.
Base sa NBI-NCR, ang drug delivery service ng suspek ay isang dekada nang nag-ooperate.
“Engaged siya sa pagbebenta ng party drugs tulad ng ecstasy at cocaine. He supplies his drug merchandise sa mga high-end bars sa Alabang, Bonifacio Global City at Makati,” sabi ni Rommel Vallejo, NBI-NCR Regional Director.
Natuklasan din ng NBI na nakipagpalitan din ng baril ang suspek sa droga.
“Ito ay bayad sa kanya ng ibang customer niya kapalit ng cocaine. Napagalaman natin na hindi lang armas ang ibinabayad sa kanya kundi maging mamahaling gamit tulad ng sasakyan,” dagdag ni Vallejo.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Illegal Possession of Firearms and Dangerous Drugs Acts, na parehong non-bailable. Jocelyn Tabangcura-Domenden