Home NATIONWIDE Maharlika target lumahok sa world sovereign wealth forum

Maharlika target lumahok sa world sovereign wealth forum

MANILA, Philippines- Hangad ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na makakuha ng associate membership sa International Forum of Sovereign Wealth Funds (IFSWF).

Sa katunayan, sinabi ng Department of Finance (DOF) na inaprubahan sa MIC board meeting ang panukala na sumali ang MIC sa global network.

Ang nasabing miting ay pinangunahan ni Finance Secretary at MIC chairperson Ralph Recto.

Sinabi ng DOF na ang pagiging kasapi sa wakas ng MIC sa IFSWF ay maaaring makapagpalawak sa ‘transparency and good governance’ ng Maharlika Investment Fund (MIF).

Ang IFSWF ay isang boluntaryong organisasyon ng global sovereign wealth funds na committed na makipagtulungan at palakasin ang komunidad sa pamamagitan ng dayalogo, pagsasaliksik at self-assessment.

Mandato nito na tulungan ang mga miyembro na ipatupad ang Santiago Principles, tumutukoy sa karaniwang tinatanggap na prinsipyo at kasanayan upang masiguro ang epektibong operasyon ng sovereign wealth funds sa buong mundo.

Sinabi ng DOF na ang IFSWF associate membership ay karaniwang ipinagkakaloob sa loob ng tatlong taon, lalo na sa mga institusyon na nasa maagang yugto ng pagbabalangkas ng kanilang sovereign funds.

Winika pa ng departamento na ang nasabing hakbang ay alinsunod din sa RA 11954 o mas kilalang bilang Maharlika Investment Fund Act of 2023, na may mandato ng pagsunod ng MIC atMaharlika Investment Fund (MIF) sa Santiago Principles.

Gayundin, inaprubahan din ng Board para maging kinatawan ng korporasyon sa IFSWF sina MIC president at CEO Rafael Jose Consing Jr., MIC regular director Vicky Castillo Tan, at independent director German Lichauco II.

Ang MIC ay responsable para sa pangkalahatang pamamahala at paggamit ng MIF para sa investments sa transaksyon para i-optimize ang returns on investments (ROI).

Layon nito na gamitin ang state assets para sa investment ventures para makalikha ng mas maraming kita para sa public funds.

Nauna rito, sinabi ng MIC na ang unang investment nito sa pagtatapos ng taon ay malamang na sa renewable energy sector, dahil gaya ng sinabi ng operator nito, kasalukuyan nang nasa proseso ang pagsasapinal ng organizational structure nito. Kris Jose