MANILA, Philippines- Maituturing na illegal job offer ang post sa social media ng ilang Pinay na iniaalok para maging domestic helper at health worker sa abroad, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa video mula sa Instagram account, makikita ang ilang Pinay na nagpapakilala at inilalahad ang kanilang kakayanan para kunin sa trabaho.
Nakasaad sa description ng social media account na isa umanong kompanya na nakabase sa Dubai at nagpapadala ng Filipino housemaids, nannies, lady drivers, caregivers at nurses. Makikita sa video ang mga Pinay na naka-uniporme habang inilalahad nila ang kanilang mga kwalipikasyon.
Wala rin umanong lisensya ang recruitment agency na konektado sa nasabing account na nasa social media, na kabilang sa mga rekisitos para makapagpadala ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa.
Payo ng DMW sa publiko, huwag pumatol sa mga ganitong online job offers dahil may peligro sapagkat hindi dumaraan sa legal na proseso sa panig ng batas ng Pilipinas.
Sinabi ng DMW na hindi malinaw kung nasa Pilipinas o Dubai ang mga Pinay na nasa video ngunit ang scenario ay online ang job offer kaya posibleng kung saang panig ng mundo manggaling ang mga OFW.
Ipinagbigay-alam na rin ng DMW sa Meta ang ilegal na gawain ng naturang account. Jocelyn Tabangcura-Domenden