Home NATIONWIDE SC na ang magdedesisyon ng legalidad ng P449B excess unprogrammed funds – Salceda

SC na ang magdedesisyon ng legalidad ng P449B excess unprogrammed funds – Salceda

MANILA, Philippines- Nasa kamay na ng Korte Suprema ang pagdedesisyon ukol sa legalidad ngbunprogrammed funds sa ilalim ng General Appropriations Act of 2024 na aabot sa P449 bilyon, ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Rep. Joey Salceda.

Inihayag ito ni Salceda kasunod ng naging pagkuwestiyon ni Albay Rep. Edcel Lagman sa nasabing pondo sa GAA na hiwalay pa sa P281.9 bilyon na inirekomenda ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ibinunyag ni Lagman na sa naganap na bicameral conference committee na sa pag-apruba sa P5.768-trillion national budget ay nagpasok pa ang mga mambabatas P449.5 billion na unprogrammed funds.

Iginiit ni Lagman na sa ilalim ng Saligang Batas ay walang hiwalay na programmed appropriations at unprogrammed appropriations.

Para naman kay Salceda, kung may pagkuwestiyon sa usapin ay maaaring ilapit ito sa SC.

“The normal working of our Constitution is that anyone can file any question against any law, and that applies even to the General Appropriations Act,” ani Salceda.

“So, any party can file any suit against the 2024 GAA to their satisfaction,” giit pa nito.

Idinagdag pa ni Salceda na kanilang isinangguni sa Department of Budget and Management(DBM) ang pagdagdag ng pondo na inirekomenda ni Pangulong Marcos at pumabor dito ang DBM.

“This question was discussed in Congress, and we took the effort, during budget deliberations, to seek guidance from both the Executive through the DBM and the records of the Constitutional Commission,” pahayag ni Salceda.

“In short, the DBM said Congress can increase the unprogrammed appropriations as proposed,” paliwanag nito.

Kung may usapin sa legalidad sa idinagdag na unprogrammed funds ay mainam na resolbahin ito sa SC, giit ng solon. Gail Mendoza

Previous articleDSWD muling magpalalabas ng guarantee letters sa ilalim ng AICS
Next articleDOH: Bilang ng COVID cases noong Disyembre dumoble