MANILA, Philippines- Hinarang ng Supreme Court (SC) ang inilabas na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na pumapayag sa mga itinalagang opisyal na manatili sa kanilang posisyon kahit nominado na bilang party-list representatives.
Ayon kay SC spokesperson Camille Ting, naglabas ang En Banc ng temporary restraining order (TRO) kung saan inaatasan ang Comelec na huwag ipatupad ang Section 11 ng Resolution No. 11045.
“All parties are required to observe the status quo. Public appointive officials are deemed resigned upon filing their certificate of candidacy,” nakasaad sa resolusyon ng korte.
Ipinag-utos rin ng SC sa Comelec na magsumite ng komento hinggil sa petisyon sa loob ng 10 araw.
Magugunita na sa petisyon ni Atty. Romulo Macalintal, hiniling sa SC na ideklara bilang unconstitutional ang Section 11, Rule II ng Comelec Resolution No. 11045. Nakasaad dito na ang mga opisyal na tatakbo bilang party-list representative ay maari pa ring magpatuloy na magtrabaho sa kanilang opisina.
Iginiit ni Macalintal na ang naturang rule ay labag sa Section (4), Article IX-B ng Saligang Batas.
Mayroon na aniyang mga naging desisyon ang korte na nagsasabing walang opisyal ng pamahalaan ang sasali sa partisan political activity.
Iginiit ni Macalintal na sa mga nagdaang eleksyon gaya ng 2022 national at local elections, nanatili ang kautusan na ang lahat ng public appointive officials ay itinuturing na awtomatikong nagbitiw sa pwesto at dapat bakantehin ang kanilang pwesto sa sandaling maghain ng Certificates of Nomination at Acceptance of Nomination sa party-list elections gaya ng nakasaad sa August 2021 Resolution No. 10717.
Nababahala si Macalintal na kung hindi ipatitigil ng Supreme Court ang naturang resolusyon, magbibigay daan ito sa matataas na opisyal ng pamahalaan na maging nominado rin sa party-list groups at masamantala ang politika. Teresa Tavares