MANILA, Philippines- Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang inihirit ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na maglabas ang korte ng writ of amparo laban sa House of Representatives Quad-Committee.
Nakasaad sa SC En Banc resolution na ang hinihinging petition for writ of amparo ni Roque ay hindi tama dahil para lamang ito sa mga extralegal killings at enforced disappearances.
Gayunman, inatasan ng Korte Suprema ang Quad Committee na magkomento sa petition for prohibition ni Roque.
Binigyan lamang ang Kamara ng 10 araw upang sagutin ang petisyon ng dating Presidential spokesperson.
Una nang naghain ang anak ni Roque na si Hacintha ng petisyon sa Korte Suprema dahil labag umano at banta sa karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ni Roque ang contempt at detention orders ng Quad-Committee.
Iniutos ng House committee ang pag-aresto kay Roque dahil sa hindi nito pagsunod sa utos ng komite na magsumite ng mga dokumento na kailangan sa imbestigasyon ng panel sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators.
Iniuugnay si Roque sa sinalakay na POGO na Lucky South 99 sa Porac nitong Hunyo. Teresa Tavares