MANILA, Philippines- Nagpalabas ng writ of kalikasan ang Supreme Court laban sa ahensya ng pamahalaan at sa mining company na nasa likod ng kontrobersyal na mining operation sa Sibuyan Island.
Ang writ of kalikasan ay isang legal na lunas nakapaloob sa saligang batas para sa proteksyon ng karapatan ng bawat isa para sa balanse at maayos na ecology.
Sa resolusyon ng SC en banc, inatasan ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Altai Philippines Mining Corp. (APMC) na maghain ng komento sa loob ng 10 araw matapos maisilbi sa kanila ang writ.
Iniutos rin ng SC sa Court of Appeals na dinggin ang kaso ng mga residente sa Sibuyan Island. Gayunman, ibinasura ng SC ang kahilingan ng mga petitioner na magpalabas ang korte ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO) laban sa DENR, Mines Bureau at APMC.
Magugunita na iprinotesta ng mga residente sa lugar ang nickel mining operation dahil sa kawalan nito ng mga permit.
Iginiit din ng mga residente at environmental groups na sinisira umano ng mining operation ang ecosystem ng kanilang isla. Teresa Tavares