BACOLOD CITY- Natagpuang patay ang isang bottlenose dolphin sa hilagang bahagi ng Carbin Reef sa Sagay Marine Reserve sa Sagay City, Negros Occidental, nitong Lunes ng umaga.
Namataan ng mga mangingisda ang dolphin malapit sa Carbin Reef bandang alas-5:40 ng umaga, ayon kay Jose Roberto Togle, Resource Management Section Head ng Sagay City Environment and Natural Resources (SCENRO).
Hindi pa natutukoy ng SCENRO ang sanhi ng pagkamatay ng dolphin subalit batay sa inisyal na findings, maaaring natamaan ito ng matigas na bagay sa blow hole nito, base kay Togle.
Ang dolphin ay isang adult male at halos 1.92 metro ang haba ay 90 kilo ang bigat.
Nakitaan din ito ng scratch marks sa kaliwang mata at batok, at soft tissue sa likod ng ulo nito.
Ibinigay na ang dolphin sa Bantay Dagat Volunteers at sa SCENRO.
Pinaalalahanan ni Togle ang mga mangingisda na agad na pakawalan ang mga mammal na maaaring nasabit sa kanilang lambat, dahil malaki ang papek nito sa marine ecosystem. RNT/SA