MANILA, Philippines – Nagbabala muli ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko laban sa mga peke at mapanlinlang na scheme na nag-aalok ng financial products at services gamit ang palsipikadong dokumento na may pangalan, logo, at pekeng pirma ng opisyal ng BSP.
Ayon sa advisory ng BSP, kumakalat ang mga scammers ng forged “assurance letters,” OTP renewal requests, beneficiary bank confirmations, loan contracts, at certifications na may kinalaman sa loans, deposits, withdrawals, fund transfers, credit cards, money changing, investments, at insurance.
Karaniwan, sinusubukan ng mga ito na makuha ang personal na impormasyon ng biktima tulad ng bank account details, passwords, o humihingi ng advance payments na may “unusual sense of urgency.”
“Ang BSP ay hindi nagbibigay awtoridad o nag-eendorso ng sinumang indibidwal o kompanya na maningil ng ‘fees’ o payments para sa anti-money laundering clearance, taxes, insurance, at iba pang pekeng singil,” ayon sa central bank.
Dagdag pa nila, hindi humihingi ng sensitibong impormasyon ang mga lehitimong financial regulators, law enforcement agencies, o financial institutions sa pamamagitan ng unsolicited calls, emails, o text messages.
Hinimok ng BSP ang publiko na huwag ibigay ang personal o financial information at i-report agad ang mga insidente sa email [email protected] o sa hotline (+632) 8811-1277 / 8811-1BSP. RNT/MND