Home METRO Scammer timbog sa NBI!

Scammer timbog sa NBI!

MANILA, Philippines- Patong-patong na kaso ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa isang indibidwal na inaresto sa entrapment operation sa Mandaluyong City.

Kinilala ng NBI – Cybercrime Division (NBI-CCD) ang suspek na si Jeremiah Jaime Vergara y Villanueva.

Nahaharap siya sa kasong Cybercrime Prevention Act of 2012, Comprehensive Dangerous Drugs Act at Possession of Drug Paraphernalia.

Ayon sa complainant, nakilala niya noong 2023 ang suspek sa isang dating app at nakatatanggap ng mensahe sa “Whatsapp,” kung saan inimbitahan siya para sa isang meeting upang talakayin ang business proposal.

Pumayag ang complainant na magbayad ng P350,000 bilang investment na katumbas ng 10% ng halaga ng condominium na bibilhin at gagamitin para sa negosyo.

Nangako si Vergara sa complainant na makatatanggap ito ng hindi bababa sa 10% na kita para sa isang condominium.

Muling hiningan ang complainant ng karagdagang daang libong halaga para sa investment dahil umano sa nagtaas ang presyo ng condominium , P60,000 para sa Real Property tax ng nasabing property at P60,000 pa para naman sa processing ng kanilang visa at plane ticket para sa planong biyahe sa Paris.

Bukod dito ay nangolekta rin ang suspek ng P10,000 at P160,000 para sa paglilipat ng titulo at pagproseso pa rin ng visa at plane ticket.

Gayunman, muling humingi si Vergara ng panibagong P25,000 para sa pagproseso ng visa at plane ticket at nagkasundo para sa isang meeting.

Nang magduda na siya ay na-scam, agad na nagpasaklolo ang complainant sa NBI at nagsampa ng reklamo.

Nitong huling bahagi ng Enero 2024, nagtungo ang NBI-CCD at complainant sa Mandaluyong City para sa entrapment operation.

Nang maaresto ang suspek, kasama sa nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga, apat na bank passbooks, mobile phone na gamit sa kanyang ilegal na transaksyon at marked money.

Sa pagsusuri, lumabas sa resulta na positibong cocaine ang nakumpiskang ilegal na droga mula sa suspek.

Iprinisenta na sa Inquest Prosecutor ng Mandaluyong City ang suspek para sa nabanggit na mga reklamo. Jocelyn Tabangcura-Domemden

Previous articleALAMIN: Road closures, rerouting scheme sa Maynila sa Peb. 3-4
Next articleJanice, may hanash sa mga baguhan!