MANILA, Philippines — Iniugnay ni Vice President Sara Duterte ang mga insidente ng karahasan sa paaralan sa umano’y mahinang pamumuno sa bansa, na aniya’y nagtutulak sa mga tao na kumilos nang kanya-kanya.
Sa panayam sa labas ng International Criminal Court sa The Hague matapos bisitahin ang nakakulong niyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ng bise presidente:
“Ganyan kasi ang nangyayari, hindi lang sa kabataan, kundi sa lahat ng tao, ganyan ang nangyayari kapag wala kasi nakikita na leadership, nag kanya-kanya ‘yung mga tao.”
Aniya, nakikita rin ang ganitong pag-uugali sa mga empleyado ng gobyerno dahil nawawala umano ang moral ascendancy ng mga opisyal na nasa pinakamataas na antas ng pamahalaan.
“Kung makikita ninyo sa mga empleyado ng gobyerno ngayon, ganoon din ‘yung mentality nila. Nagkakanya-kanya sila. Kasi nawawala ‘yung moral ascendancy ng pinakataas, ‘yung mga nasa taas. ‘Pag sinabi natin nasa taas, ‘yung ating President, ‘yung ating mga cabinet secretaries at iba pang nagtatrabaho sa Office of the President. Kapag ganyan ‘yung nakikita ng mga tao, nawawala ‘yung respeto. Kapag nawawala ‘yung respeto, nagkakanya-kanya lahat ng tao. That is a manifestation of a weak leadership,” ani Duterte.
Nang tanungin tungkol sa Pax Silica, isang US-led economic security framework para sa global supply chain ng artificial intelligence at semiconductor industry, sinabi lamang niya: “I cannot comment on that.”
Kabilang ang Pilipinas sa 24 bansang lumagda sa inisyatiba, habang planong magtayo ng 1,600-ektaryang AI-focused industrial hub sa New Clark City sa Tarlac.
Sinabi rin ni Duterte na masaya at maganda ang kondisyon ng kaniyang ama nang dalawin niya ito. Itinanggi rin niya ang kumakalat na social media posts na sinabi umano niyang makakalaya sa ICC detention ang dating pangulo sa susunod na linggo.
“Wala akong sinabi doon sa speech ko na lalabas si PRRD next week. Hindi ko alam kung saan nagsimula ‘yung gano’n pero definitely wala doon sa transcript na nagsabi ako na lalabas na si PRRD sa ICC or lalabas na si PRRD next week,” aniya.
Ipinaliwanag niyang walang nakatakdang hearing para sa pagpapalaya ng kaniyang ama batay sa ICC website at ang nakalista lamang ay ang trial proper nito.
Ipinaabot din ng bise presidente ang mensahe ng dating pangulo sa kaniyang mga tagasuporta:
“My best wishes to the men and women and LGBT of the Philippine National Police and the Armed Forces of the Philippines. You are very close to my heart because you offer your lives for the country.”
Sinabi rin ni Duterte na bibisitahin niya si detained Senator Rodante Marcoleta sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas. Nakakulong si Marcoleta sa Quezon City Jail Male Dormitory kaugnay ng kasong plunder. Dave Baluyot