Home NATIONWIDE Search and rescue ops sa 3 crew ng nawawalang motorbanca puspusan na

Search and rescue ops sa 3 crew ng nawawalang motorbanca puspusan na

MANILA, Philippines – Puspusan ang ginagawang search and rescue operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa motorbanca na Mike Denmark na may sakay na tatlong katao na nawawala noon pang Lunes habang kasagsagan ng bagyong Aghon sa Quezon Province.

Ayon sa PCG District Southern Tagalog, huling nakuha ang impormasyon sa naturang motorbanca sa karagatan ng Barangay Calutcot bayan ng Burdeos Quezon Province matapos silang magkubli dahil sa sama ng panahon.

Dahil ilang araw nang nawawala, pinaigting pa ng coast guard ang kanilang paghahanap kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction, Management Office, local police, at Bureau of Fire Protection ng Bayan ng Burdeos.

Nakipag-ugnayan na rin ang PCG Northern Quezon sa mga kalapit na sub station nito at iba pang mga awtoridad para maghanap ang nasabing motorbanca.

Nanawagan naman ang PCG na ipagbigay alam sa kanila o kaya sa mga awtoridad sakaling mamataan ang motorbanca at sakay nito ng ilang araw nang nawawala. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)