MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Health (DOH) na naghahanda sila para sa napipintong pagtaas ng mga kaso ng mga sakit na tulad ng trangkaso ngayong panahon ng tag-ulan.
Sa oversight meeting ng House Committee on Appropriations kasama ang DOH, sinabi ni Assistant Secretary Albert Domingo na binabantayan ng ahensya ang mga kaso ng sipon at trangkaso na hindi dulot ng impeksyon sa COVID-19.
Sinabi ni Domingo na naka-alerto ang DOH dahil inaasahan ang pagtaas ng kaso dahil umuulan na.
Ayon kay Anna Marie Celine Garfin, direktor ng DOH Disease Prevention and Control Bureau, nakatakdang bumili ang DOH ng karagdagang dosis ng pneumococcal conjugate vaccines at influenza vaccines bilang bahagi ng paghahanda ng ahensya.
“We are aware that we need to fasttrack the procurement of these vaccines, that’s why we’re doing close monitoring,” ani Garfin.
Una nang binanggit ni House Deputy Majority Leader at dating Health secretary Janette Garin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng flu at pneumonia vaccines para sa healthcare workers , senior citizens at ang mga immunocompromised, lalo na sa paglitaw ng mga bagong variant ng COVID-19 na “FLiRT”.
Noong nakaraang Miyerkules, nagbabala ang DOH sa publiko laban sa pagkalat ng mga sakit na maaaring lumaganap lalo na ngayong nagbabago ang panahon mula sa maaraw patungo sa tag-ulan.
Ang mga sakit na ito ay tinawag na “WILD,” o Water and food-borne diseases; Influenza-like illnesses; Leptospirosis; at Dengue. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)