MANILA, Philippines – Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operation sa nawawalang MV Sta. Monica sa karagatan sakop ng Taytay, Palawan at Paluan, Occidental Mindoro.
Nagsagawa ng aerial search ang BN Islander ng PCG sa Silangan ng Taytay at mula San Jose hanggang Paluan, ngunit wala pa ring positibong resulta.
Aktibo ring nagpapatrolya ang mga tauhan ng PCG sa karagatan sa Occidental Mindoro.
Ayon sa PCG, ang barko ay patungong Casian, Taytay, Palawan upang humimpil dahil sa masamang panahon noong Oktubre 22 ngunit hindi na nakontak ng clearing officer noong Oktubre 27.
Tinawagan din ang 10 crew kabilang ang kapitan ng barko ngunit hindi na rin sila makontak.
Nakikipagtulungan na ang Coast Guard District Palawan sa Coast Guard District – Southern Tagalog at iba pang regional units.
Kabilang sa nagpapatuloy na search and rescue operations ang aerial, seaborne, at shoreline patrols na muling pagpapatibay ng pangako ng PCG na hanapin ang nawawalang barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden