Home NATIONWIDE Sec. Laguesma, pinangunahan ang ika-19 NOSH Congress

Sec. Laguesma, pinangunahan ang ika-19 NOSH Congress

309
0
Binibigyang-diin ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma ang kahalagahan ng kaligtasan sa trabaho sa pagbubukas ng ika-19 NOSH Congress sa Yuichi Ichikawa Hall, Occupational Safety and Health Center (OSHC), North Avenue corner Sen. Miriam P. Defensor-Santiago Avenue, Diliman, Quezon City noong Oktubre 6, 2025.

QUEZON CITY — Sa pangunguna ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma, matagumpay na isinagawa ang ika-19 na National Occupational Safety and Health (NOSH) Congress noong Oktubre 6-7 sa Yuichi Ichikawa Hall ng Occupational Safety and Health Center (OSHC) sa Diliman, Quezon City.

Ang prestihiyosong pagtitipon ay may temang “Strengthening Inclusive OSH Transformation in the Future of Work,” na layuning pagtibayin ang kaligtasan at kalusugan sa lugar ng trabaho sa gitna ng patuloy na pagbabago sa mundo ng paggawa.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sec. Laguesma ang kahalagahan ng mas inklusibo, mas ligtas, at mas makataong kapaligiran sa trabaho. Mahigit 500 kalahok mula sa iba’t ibang sektor ang dumalo sa kongreso, kabilang ang mga OSH advocates at professionals, senior officials ng DOLE, mga Regional Director, at mga kinatawan mula sa sektor ng manggagawa at employer. Sama-sama nilang tinalakay ang mga bagong kaalaman at istratehiya sa pagharap sa mga panganib sa lugar ng trabaho.

Tampok sa mga plenaryong sesyon ang mga diskusyon ukol sa pamamahala at istratehiya sa OSH, mga hamon sa OSH sa makabagong panahon, digital transformation sa OSH, holistikong pamamahala ng panganib, mga patakaran para sa proteksyon ng mga manggagawa, pagbibigagay importansiya sa lakas-paggawa, at epektibong mga praktis sa OSH.

Ang NOSH Congress ay isang biennial na kaganapan na sinimulan ng OSHC noong 1990, at sa loob ng mahigit tatlong dekada ay nagsilbing mahalagang plataporma sa pagpapalitan ng kaalaman at karanasan ukol sa kaligtasan sa trabaho sa bansa.

Sa isang hiwalay na panayam ng Remate News, tinanong si Sec. Laguesma ukol sa posibilidad ng pagpapalawak ng safety awareness sa antas ng elementarya. Aniya, “Maganda iyang nabanggit mo, kasi importante mayroon na agad kamalayan…awareness tungkol sa safety…pero siyempre kailangan ng paggabay ng higit na mga nakatatanda.” Dagdag pa niya, “Sa bahagi ng high school, mayroon na, pero sa elementary…siguro dapat na patingnan din natin kung kinakailangan.”

Ipinapakita ng pahayag ni Laguesma ang bukas na pananaw ng DOLE sa pagpapalawak ng adbokasiya ng kaligtasan hindi lamang sa mga manggagawa kundi pati na rin sa mga kabataan, bilang paghahanda sa mas ligtas na kinabukasan. Dennis Napule

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here