Home HOME BANNER STORY Senate inquiry sa anomalya sa flood control projects ipagpapatuloy ngayong buwan

Senate inquiry sa anomalya sa flood control projects ipagpapatuloy ngayong buwan

317
0

MANILA, Philippines – Maaaring magpatuloy sa huling bahagi ng Oktubre ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan, ayon kay Senator Erwin Tulfo nitong Huwebes, Oktubre 10.

Sa ulat, sinabi ni Tulfo, acting chair ng Senate panel, na maaaring magpatuloy ang imbestigasyon sa katapusan ng Oktubre.

“Siguro po sa October 22, 23. Somewhere around there… And nakita ko pong medyo maluwag-luwag, around 23, 24, mga 26, 27, ganoon po,” ayon pa sa senador.

“… Kasi po ngayon, busy po ‘yung mga ibang kasamahan po natin sa mga budget hearing po, kanya-kanya.”

Ngayong buwan, sinabi ni Senate blue ribbon committee chair at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ang imbestigasyon ng panel ay suspended until further notice dahil sa mga conflict sa schedule ng iba pang Senate hearings at paghahanda ng mga dokumento.

Nito lamang Lunes, nagbitiw naman si Lacson bilang chairman ng Senate blue ribbon committee dahil sa pagkadismaya ng ilang senador sa direksyon ng legislative inquiry sa mga anomalya sa flood control projects.

Dahil dito ay pansamantalang umupo si Tulfo bilang acting chair ng panel.

Ani Tulfo, posibleng imbitahan niya si dating Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez at resigned Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa pagdinig.

Sina Romualdez at Co ay humaharap sa mga akusasyon ng kaugnayan ng mga ito sa kickback mula sa infrastructure projects at budget insertions.

Kapwa itinanggi ng dalawa ang alegasyon kasabay ng pagbibitiw sa pwesto ni Co.

“Si [dating] Speaker [Romualdez] po kasi, invitation lang po dahil mayroon po tayong inter-parliamentary courtesy po. So it’s just an invitation. Pero si Zaldy Co siguro pwede na pong imbitahan. ‘Pag hindi po sumagot, puwede rin po padalhan ng subpoena,” ani Tulfo.

Siniguro naman ng acting Senate blue ribbon panel chair na hindi niya hahayaang makatakas sa pananagutan ang mga tinukoy sa kontrobersiya.

“Susundan din po namin yung mga nabanggit po ni Curlee at Mrs. Discaya po na nakausap nila, not personally, kundi yung mga tauhan po ng mga mambabatas na ‘yun,” ani Tulfo.

Matapos ang imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects, ikinokonsidera rin ng panel ang pag-iimbestiga sa mga anomalya sa konstruksyon ng farm-to-market roads.

Ito ay matapos sabihin ni Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na irerekomenda niya sa Senate blue ribbon committee at Independent Commission for Infrastructure ang pagbusisi sa overpriced na FMR projects noong 2023 at 20254.

Ani Gatchalian, mayroong mga proyekto ng farm to market roads na overpriced ng P10.3 billion.

“Sabi nga ng DPWH, parang 4,000 po yata or 8,000 na flood control projects throughout the country. So, napakadami po. Siguro ang gagawin po natin, pag nahagip ka, may flood control ka, kailangan i-certify po ng DPWH, ng COA na yung flood control mo talaga na-execute na hindi siya substandard at hindi siya ghost,” sinabi ni Tulfo.

Iginiit ni Tulfo na layon ng imbestigasyon ng Senado na lumikha ng legislation para tugunan at sugpuin ang korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan.

Samantala, nilinaw ni Tulfo na umuupo lamang siya sa Senate blue ribbon committee habang naghahanap pa si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng permanenteng committee chairperson. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here