MANILA, Philippines – Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang isinasagawang Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF) na dinadaluhan ng mga incumbent at dating mambabatas sa ibang bansa, diplomat, at mga security at technology experts.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang reception sa Solaire Resort North, Quezon City, sinabi ni Romualdez na ang pagtitipon ay isang pagsusulong para sa isang rules-based international order, pagpapalalim ng strategic cooperation, at pagtiyak na walang bansa- maliit man o malaki— na mag-isang haharap sa agresyon at intimidasyon.
Ang PI-SF ay isang global platform kung saan tinatalakay ang intelligence-sharing, counterterrorism, cybersecurity, at iba pang hamon sa seguridad.
“There are moments in history when the weight of responsibility bears heavily upon those entrusted with the defense of peace, the preservation of order, and the safeguarding of freedom. This gathering is one such moment,” pahayag ni Romualdez.
Layunin ng PI-SF na matugunan ang mga geopolitical tension, economic coercion, at cyber threats na kinakaharap ng iba’t ibang bansa.
Ang Pilipinas ang host ng forum ngayong taon at nakatuon ito sa pagtiyak ng rules-based international order sa Indo-Pacific region.
Ani Romualdez, ang Indo-Pacific Region ay nahaharap ngayon sa isang global security concerns dahil sa mga agawan sa teritoryo, economic coercion, cyber threats,, at geopolitical rivalry.
Aniya, ang malalakas na bansa ay umaangat at bumabagsak pero ang mga bansa na nagsasama-sama sa pagdepensa ay nananatili.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez na kailangang umaksyon upang mapanatili ang katatagan sa Indo-Pacific region.
“It will be preserved by action. By the willingness of nations to stand firm against coercion, to defend the principles enshrined in international law, and to engage with one another not as rivals, but as responsible stewards of the peace upon which our peoples depend,” ani Romualdez.
Kumpiyansa ang lider ng Kamara na ang forum ay maaalala hindi dahil sa mga salitang nasabi kundi sa mga alyansang napalakas nito, mga pangako napagkasunduan at direksyong tutunguhin nito para sa mga susunod na henerasyon.
Nagpasalamat naman si PI-SF Chairperson, datingUS Congressman Robert Pittenger kay Speaker Romualdez at Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez sa oportunidad na magkaroon ng forum sa Pilipinas upang mapag-usapan ang strategic collaboration, makalikha ng mga bagong kaibigan, at mapalalim ang mga kaalaman kaugnay ng mga banta sa global security lalo na sa Indo-Pacific Region. Gail Mendoza