Home OPINION SEKRETONG PAGGASTOS O PAGLULUSTAY?

SEKRETONG PAGGASTOS O PAGLULUSTAY?

PARA sa isang abogado, na naging alkalde at ngayon ay Bise Presidente at Kalihim ng Department of Education, matinong katwiran ang inaasahan ko mula kay Inday Sara Duterte.

Gayunman, sa pagkumpronta sa kanya ng mga tulad ng Makabayan bloc lawmakers at ni Sen. Risa Hontiveros kamakailan kaugnay nang paggagamitan niya ng kanyang confidential and intelligence funds, napaisip ako kung hindi ba gumagana ang kanyang kakayahan sa tamang paninindigan o ang kanyang moral compass, o pareho.

Noong nakalipas na linggo, nang mabigyang-diin na ang intelligence funds ng Philippine Coast Guard sa nakalipas na 11 taon ay hindi man lamang umabot sa confidential funds ni VP Sara — P125 milyon na ginasta niya sa loob lamang ng 11 araw — nagbigay ng mahabang depensa ang kanyang tanggapan para igiit na hindi raw 11 araw ginastos ang pondo.

Sa totoo lang, 11 araw man iyon o 19 araw, nakababahala pa rin ang katotohanang nilustay ang ganoon kalaking halaga ng pera ng taumbayan sa paraang kwestiyonable ang transparency. Ang tunay na isyu rito ay hindi ang haba ng panahon; kundi ang responsable at makatwirang paggastos.

Kung ikokonsiderang ang kabuuan ng kanyang intel at confidential funds ngayong taon ay nasa P460 milyon bilang VP at DepEd chief, kumusta naman ang kanyang performance sa dalawang nabanggit na tanggapan batay sa inaasahang serbisyo niya? Isa itong balidong tanong dahil inaasahan ng taxpayers na ang perang pinagpaguran nilang kitain ay gagamitin nang tama at buong ingat, hindi lulustayin nang walang patumangga.

O magaling lang ba si Inday Sara sa paggastos nang milyun-milyong intelligence funds, pero walang kakayahang pondohan ang mga programang importante para maiangat ang kalidad ng basic education upang maging mas matalino ang kabataang Pilipino?

Mabuti na lamang at natauhan ngayong taon ang mga miyembro ng Kongreso at inalisan nila ng intelligence funds ang mga tanggapan ni VP Sara para unahin ang militar, Coast Guard, at national security agencies na totoong nangangailangan ng naturang pondo. Ang mga sekretong pondo ay dapat mapasakamay ng mga makapagpapatunay na gagamitin nila ito nang may responsibilidad at garantisadong epektibo — sa kasong ito, upang protektahan ang soberanya at seguridad ng ating bansa.

Magkano ang hinihiling ni VP Sara – P650 milyon para sa susunod na taon – gayung hindi naman niya nagawa nang maayos ang kanyang mga tungkulin ngayong taon?

Makatwiran lang na umapela si party-list Rep. France Castro sa Commission on Audit  na suriin kung paano ginastos ng Davao City ang confidential funds nito noong si VP Sara pa ang alkalde ng siyudad, dahil batay sa mga datos na nakuha ng mambabatas, ginastos daw ni VP Sara ang P2.7 bilyon halaga ng sekretong pondo simula 2016 hanggang 2022.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleCLARK MULING IPINAKIKILALA BILANG “INDUSTRIAL PARK AND TOURIST DESTINATION”
Next articlePHILIPPINE ARMY CYBER NINJA