Home METRO Sekyu na gustong mag day-off, binaril-patay!

Sekyu na gustong mag day-off, binaril-patay!

BACOLOD CITY- Hindi inakala ng isang security guard na ang hangad lamang niya ay makapag day-off nang isang beses, tuluyan na itong pinagpahinga matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek noong Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Benjie Fajardo, 30-anyos, at residente ng Barangay Banago, Bacolod City.

Batay sa report ng Bacolod City Police Station 1, Sabado ng gabi naganap ang krimen sa panulukan ng Locsin-Luzuriaga Street, ng nasabing lungsod.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng suspek saka mabilis na tumakas.

Tinamaan ang biktima sa ulo at katawan na agad namang dinala sa ospital subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen ay nakapulot sila ng limang basyo ng .99 kalibre na baril na hinihinalang ginamit krimen.

Sa pahayag naman ng misis ng biktima, bago ang krimen ay iniinda umano ang pagkapagod ng kanyang mister dahil sa loob ng isang buwan ay hindi man lamang ito nagkaroon ng day-off.

Patuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya at susuriin na rin ang lahat ng mga kuha ng CCTV footage sa lugar para sa pagkakakilanlan sa suspek.

Inaalam na rin ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico