Home NATIONWIDE Sekyu na nakabaril ng babaeng menor de edad, sumuko sa Pasay police

Sekyu na nakabaril ng babaeng menor de edad, sumuko sa Pasay police

163
0

MANILA, Philippines – Kusang sumuko sa mga tauhan ng Pasay City police ang security guard na nakabaril sa isang 14-taong-gulang na babae bago mananghali ng Huwebes, Marso 12.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto, ang suspek na kinilalang si alyas Rolando, 48, security guard at residente ng Interior Sanchanco Street, Barangay Catmon, Malabon City, ay dinakip ng mga awtoridad bandang alas 11:45 ng tanghali sa kahabaan ng New Road corner Diokno Boulevard, sa lungsod.

Ang babaeng biktima na kinilala ni De Sesto na si alyas Tere, 14, out of school youth, at residente ng Pasay City, ay nabatid na nasa maayos nang kalagayan nagtamo ng sugat sanhi ng isang tama ng bala sa kanyang paa.

Ayon kay De Sesto, ang ina ng biktima na si alyas Romelita, 56, ang nagsampa ng reklamo sa suspek na nahaharap sa mga kasong frustrated homicide (Article 249 na may kaugnayan sa Article 6 ng RPC) at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Base sa isinagawang imbestigasyon, nangyari ang insidente ng pamamaril bandang alas 4:30 ng umaga sa Lords Grace Compound, Buendia Avenue corner Macapagal Avenue, Brgy 76, Pasay City.

Sa patuloy na pagsasagawa ng follow-up operation ay natunton ang kinaroroonan ni alyas Rolando kasabay ng panghihikayat ng security officer ng security agency kung kaya’t nakumbinsi ang suspek na sumuko sa mga tauhan ng Sub-station 1 na pinangunahan ni P/Capt. Dennis Desalisa.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang Rock Island 9MM pistol na may magazine at kargado ng apat na bala kung saan isinumite ito sa SPD Forensic Unit para sa ballistic examination gayundin ang suspek na isasailalim naman sa paraffin examination.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide at paglabag sa RA 10591 sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here