MANILA, Philippines – PATAY ang isang sekyu sanhi ng tama ng bala matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang suspek, napaulat sa Caloocan City kahapon, Hulyo 12.
Dead on the spot ang biktimang si Rolan Lacson, 43 anyos, naninirahan sa La Forteza Subdivision, Camarin ng nasabing lungsod.
Si Lacson ay nasawi sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan nito.
Sa salaysay ng saksing nagpakilala lamang sa alyas na “Michael”, 47, alas 2:35 ng madaling araw nang makarinig siya ng putok ng baril sa hindi kalayuan sa kanyang kinatatayuan.
Nang puntahan ng saksi ang pinagmulan ng putok, nakita niya ang mga suspek na papatakas na at kapwa nakasuot ng long sleeve shirt at helmet habang sakay ng isang Yamaha Mio motorcycle patungong Tala, sa nasabing lungsod.
Naiwan naman ang bimtimang duguan at patay na matapos pamalasan ng bala sa ulo at katawan nito
Dalawang fired bullet at basyo ng bala mula sa .9mm na baril ang narekober naman sa crime scene ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD).
Hindi pa tukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa biktima at inaalam din ang pagkakakilanlan sa mga tumakas na suspek. Merly Duero