MANILA, Philippines- Labas ang utak ng isang 29-anyos na security guard nang masagasaan at magulungan ng trailer truck habang tumatawid sa Southbound lane ng Mel Lopez Boulevard, Barangay 128, partikular na sa exit ng Manila Harbour Center sa Tondo, Manila noong Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ang biktima sa pangalang Arnold Antonio Jr., residente ng Block 14 Old Site, Bagong Lupa, Baseco Compound Port Area, Manila.
Sa ulat ng Vehicular Traffic Investigation Unit (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-12:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa naturang lugar.
Patawid umano ang biktima sa naturang kalsada nang biglang sumulpot ang nasabing trailer truck na may plakang (835600) na minamaneho ni Raymond Rodelas, 35, ng Blk. 54, Lot 19, Sta. Martha State Homes Batua, Bocaue, Bulacan.
Agad namang sumuko ang driver ng truck at nagbigay ng salaysay sa mga kapulisan na noon sana’y papasok na ang trailer truck sa Manila North Harbour Center.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden