MANILA, Philippines – Isang 39-anyos na security guard ang nasawi matapos pagbabarilin ng gunman na sakay ng motorsiklo sa harap ng isang condominium building sa Yakal Street, Barangay San Antonio, Makati City noong Linggo, Enero 18.
Ayon sa ulat ng pulisya, papasok sana ang biktima sa isang kainan nang lapitan siya mula sa likuran ng isa sa mga suspek na nakasuot ng itim na bonnet at pinaputukan ng apat na beses nang sunod-sunod.
Mabilis na tumakas ang gunman sakay ng Honda PCX scooter na minamaneho ng kanyang kasabwat na nakasuot ng motorcycle-taxi shirt, patungo sa Chino Roces Avenue.
Agad na isinugod sa Makati Medical Center ang biktima ngunit dead on arrival na ito dahil sa mga tama ng bala sa itaas na bahagi ng katawan.
Nakarekober ang mga imbestigador ng apat na basyo ng 9mm na bala sa pinangyarihan ng krimen. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. RNT/MND