BATANGAS – MISTULANG huling bonding na ng isang security guard sa kanyang kapatid na lalaki ang nangyari matapos na pagbabarilin ito nang hinihinalang nakaalitan sa Purok 2 Barangay Lagadlarin sa Lobo, Batangas.
Kinilala ng Lobo Municipal Police Station ang biktima na si Ronald Armamento y Manalo, 48-anyos, binata, security guard, naninirahan sa nabanggit na lugar na nagtamo ng tama ng bala sa bahaging likuran nito mula sa armas na 12 gauge dahilan ng kanyang pagkasawi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen dakong alas-8:00 ng gabi habang ang biktima na nagsosolo umanong naglalakad papauwi sa kanilang tahanan
makaraang makipag-inuman ang biktima sa bahay ng kanyang kapatid.
Napag-alaman na hindi pa umano nakakalayo ang security guard na biglang nakarinig nang dalawang putok ng baril ang kapatid nito na si Romnick.
Mabilis niyang tinungo ang pinagmulan ng putok ng baril at dito na niya natagpuan ang biktima na duguang nakahandusay.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad at inaalam na rin ang suspek sa krimen./Ellen Apostol