Home NATIONWIDE Selective school feeding, binasura; programa, pinalawak ni PBBM

Selective school feeding, binasura; programa, pinalawak ni PBBM

2
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pinalawak ng gobyerno ang school feeding program para masakop ang lahat ng mga mag-aaral sa buong bansa.

Ayon sa Pangulo, walang bata ang dapat na maiwan dahil lamang sa beneficiary selection.

Matapos pangunahan ang 2026 National Kick-off ng School-Based Feeding Program and Milk Feeding Activity sa Pulilan, Bulacan, tinuran ng Pangulo na nagdesisyon ang gobyerno na umalis sa mula sa dating estartehiya ng pagtukoy lamang sa ‘selected undernourished learners’ para sa feeding assistance.

“Alam n’yo po, meron tayong feeding program noon pero kulang-kulang dahil namimili pa tayo kung sino ‘yung kulang ang pagkain, hindi nakakain nang mabuti, kaya’t hindi makapag-aral nang mabuti,” ani Pangulong Marcos.

“Natuklasan naman namin na karamihan naman ay dapat talaga pakainin na lang natin. Huwag na natin piliin kung sino ‘yung mga dapat bigyan at sino ang hindi kasama sa feeding program,” aniya pa rin.

Sinabi ng Chief Executive na ang inisyatiba ay tanda ng unang pagkakataon para sa Pilipinas na nagpatupad ng nationwide school feeding program.

“Ito ay sa buong kasaysayan ng Pilipinas; hindi pa natin nagagawa ito, kaya ako ay natutuwa na mabuksan ngayon ang ating nationwide feeding program,” ang winika pa rin ng Pangulo.

Ang sabay-sabay na rollout ay ikinasa sa mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinabi ng Pangulo na layon ng pinalawig na programa ang alisin ang pagkagutom bilang hadlang sa pag-aaral at tiyakin na ang mga mag-aaral ay hindi nag-aalala ukol sa susunod nilang pagkain habang nasa eskuwelahan.

“Napakalaking bagay para sa akin dahil alam naman natin na kung minsan ang nagiging dahilan kung bakit hindi makapag-aral nang mabuti ang mga kabataan ay kulang sa pagkain,” ang sinabi nito.

“Tinanggal na natin ang problemang ‘yan para tiyak tayo na lahat ng mga pumapasok na nag-aaral ay hindi na kailangang alalahanin ang kanilang kakainin,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here