MANILA, Philippines – Maglulunsad ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng bagong commemorative stamps bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan nina Gregoria de Jesus at Emilio Jacinto.
Gaganapin ang unveiling ceremony sa Robinsons Place Ermita sa Maynila sa Hunyo 12, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ang mga selyo ay dinisenyo ni Jose Antonio Jayme at tampok ang mga larawan ng dalawang mahalagang lider ng Katipunan na nagbigay ng malaking ambag sa pakikibaka para sa kalayaan ng bansa sa murang edad.
Ayon kay Postmaster General Maximo Sta. Maria III, layunin ng paglulunsad na maipakilala sa bagong henerasyon ang kasaysayan at kabayanihan nina Oriang at Pingkian.
“Sa panahon kung kailan maraming kabataan ang naghahanap ng inspirasyon at mga huwaran, mahalagang maipakilala natin ang mga kabataang bayani na tumulong humubog sa ating bansa,” aniya,
“Sa pamamagitan ng mga selyong ito, umaasa kaming mas maraming Pilipino ang muling matutuklasan ang kanilang mga kuwento at magpapahalaga sa kanilang kabayanihan,” dagdag pa niya.
Ayon sa PHLPost, nagsisilbing maliliit na piraso ng kasaysayan ang mga selyo na tumutulong upang mapanatili at maipasa sa susunod na henerasyon ang kulturang Pilipino at pambansang pamana.
Matapos ang opisyal na paglulunsad, maaaring mabili ng publiko, mga stamp collector, at history enthusiasts ang mga commemorative stamps sa Robinsons Place Ermita at sa Post Shop ng Manila Central Post Office. RNT/MND