MANILA, Philippines – Nagbitiw ng panibagong akusasyon si Senador Alan Peter Cayetano laban sa ilang miyembro ng bagong mayorya sa Senado noong Biyernes, at tinawag silang mga “tuta” o “lapdogs” ng Malacañang.
Sa isang fellowship lunch, sinabi ni Cayetano na sina Senador Vicente “Tito” Sotto III at Senador Raffy Tulfo ay mga “tuta” umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Samantala, tinawag naman niyang “tuta” ni Senador Ping Lacson si Senador Erwin Tulfo.
“Sabi nila, sabi ni Raffy Tulfo, hindi daw sila Malacañang, in other words, hindi sila tuta,” ani Cayetano.
“Pero doon mo makikita yung graduated and experienced. Bakit? Kasi si Senator Tito Sotto and Raffy Tulfo, at least sila tuta ng Malacañang, pero si Erwin Tulfo, tuta lang ni Lacson,” dagdag niya.
Pinatutsadahan din ni Cayetano si Lacson.
“Si Lacson? Hindi na po tuta si Lacson, aso na po siya. Matagal na.”
Ayon kay Cayetano, ang ibig niyang sabihin ay isang taong sumusunod at nagpapatupad ng utos.
Tumugon naman si Lacson:
“Kawawa naman. Kung anu-ano na ang sinasabi. Parang malapit nang bumigay. Sana hindi tuluyang mag-meltdown.”
Samantala, sinabi ni Sotto na sayang lamang ang oras sa pagbibigay-pansin sa mga pahayag ni Cayetano.
“It’s about time na huwag niyo nang patulan ang mala-telenovelang mga ingay na wala namang mararating. Waste of airtime. Let’s move on for the good of the country.”
Muli ring iginiit ni Cayetano na may kinalaman umano ang Malacañang sa kamakailang pagbabago ng liderato sa Senado. Inulit din niya ang alegasyon na nais takpan ng bagong Blue Ribbon Committee ang umano’y malaking iskandalo sa flood control projects.
Nauna nang nagpalitan ng maaanghang na pahayag sina Cayetano at Lacson matapos batikusin ni Lacson ang umano’y pagsasayang ng humigit-kumulang P700 milyon sa loob ng 28 araw na panunungkulan ni Cayetano bilang Senate President. RNT/MND